PNoy pasado kay Nancy Binay

MANILA, Philippines – Pasado sa baguhang senador na si Nancy Binay ang inilahad ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) kahapon sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Naramdaman ni Binay ang senseridad ni Aquino sa kanyang mga adhikaing ibangon ang Pilipinas mula sa aniya’y pagkakasadlak nito.

Nagustuhan ng senadora ang paniniguro ni Aquino sa inclusive growth, pagsugpo sa kahirapan, pagpapausbong sa ekonomiya at pagsusulong ng ikauunlad ng buong bansa.

"The SONA reasonably portrays the fruits of the President's administration in the past three years. I believe that the President is sincere in creating an environment that would bring inclusive growth even to the poorest regions despite the many challenges it is facing," pahayag ni Binay ngayong Martes.

Pinuri rin ni Binay ang plano ng Pangulo na palawigin ang healthcare coverage sa pamamagitan ng Philhealth, ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front, at ang mga pabahay sa mga informal settlers.

Pero sinabi ng baguhang senadora na mas maganda sana kung binanggit ni Aquino ang kanyang mga plano sa milyung-milyong overseas Filipino worker.

Samantala, siniguro ni Binay na susuportahan nilang mga miyembro ng “constructive minority” ang mga plano ni Aquino sa huling tatlong taon sa posisyon.

"We in the constructive minority are taking the cue in what we believe are necessary in helping the Aquino administration's plans in moving the economy forward," sabi ni Binay.

 

Show comments