Biazon binawi ang resignation

File photo ni Ruffy Biazon at Benigno Aquino III noong 2010.

MANILA, Philippines – Binawi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rufino "Ruffy" Biazon ang kanyang pagbibitiw sa puwesto kasunod nang pagkastigo sa ahensya ni Pangulong Benigno Aquino III sa State of the Nation Address (SONA) kahapon.

"Sabi niya (Aquino), nauunawaan daw niya ang hirap ng trabaho ko, nananatili ang kanyang kumpiyansa," pahayag ni Biazon sa isang panayam sa dzMM radio ngayong Martes.

Ilang minuto matapos ang SONA ni Aquino kahapon sa Batasan Pambansa ay nagbitiw sa puwesto si Biazon dahil sa kahihiyang inabot ng pinamumunuang ahensya.

"Ako nakaramdam ng hiya, dahil hindi naman makapal ang mukha ko, agad-agad akong nagbigay ng pahayag na nag-alok ng pagbibitiw," ani Biazon matapos magalit ni Aquino sa Customs at maging sa Bureau of Immigration, National Irrigation Authority (NIA) at Civil Service Commission dahil sa umano'y kapalpakan at baluktot na kalakaran na taliwas sa kanyang polisiyang "Tuwid na Daan."

Kaugnay na balita: Biazon tinamaan sa banat ni PNoy, nagbitiw sa puwesto

Sa kanyang Facebook account ay inihayag ni Biazon ang kanyang pasasalamat sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng Pangulo.

"I am thankful that the President acknowledges the difficulties in pushing for reform in BOC. Although I did not ask for this post in the first place, the opportunity to do reform in one of the most difficult agencies in government was one challenge that I readily took on," sabi ni Biazon.

Dagdag niya na handa siyang iwanan ang puwesto kung kinakailangan na walang hinanakit ng loob sa Pangulo.

"Although as of now I remain in the post, all of these I have to absorb and process. Do I give up the fight in the name of delicadeza? Or do I stay on armed with the confidence of the president that I can do the task assigned to me? ... One thing I can say for sure. I am ready to lose the position without shedding a tear," ani ng pinuno ng Customs.

Samantala, nilinaw ni Biazon na hindi siya nag-boycot sa ikaapat na SONA ni Aquino at sinabing wala siyang natanggap na imbitasyon mula sa administrasyon.

"Walang invitation na dumating sa akin. Pina-check ko pa nga sa secretary at ng House, wala naman daw ako sa listahan ng invited guests," paliwanag ni Biazon sa panayam sa radyo.

 

Show comments