Biazon tinamaan sa banat ni PNoy, nagbitiw sa puwesto

MANILA, Philippines – Ilang minuto matapos banatan ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address ang apat na ahensya ng gobyerno, nagsabi kaagad ang kalihim ng Bureau of Customs (BoC) na magbibitiw na siya sa kanyang puwesto.

Binanatan ni Pangulong Aquino ang BoC maging ang Bureau of Immigration, National Irrigation Authority (NIA) at Civil Service Commission dahil sa umano;y kapalpakan at baluktot na kalakaran na taliwas sa kanyang polisiyang "Tuwid na Daan."

Kaugnay na balita: PNoy sa 4 na ahensya: Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?

“In light of the president's statement regarding BOC, I immediately offered my resignation within minutes after the end of the speech,” pahayag ni Biazon sa kanyang Twitter account na @ruffybiazon.

Nakatanggap ng maaanghang na salita ang apat na ahensya mula kay Aquino sa kanyang SONA.

“Para namang nakikipagtagisan sa kapalpakan itong Bureau of Customs. Imbes na maningil ng tamang buwis at pigilan ang kontrabando, parang walang pakundangan ang pagpapalusot nila ng kalakal, pati na ng ilegal na droga, armas, at iba pa sa ating teritoryo,” ani Aquino sa kanyang 1 oras at 43 minutong talumpati sa joint session ng Kongreso.

Sa kasunod na tweet ni Biazon, inihayag niya ang tugon ni Aquino sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.

"RUFFY we both know the difficulties in the agency you are trying to reform. My confidence in you remains the same," tugon ni Aquino kay Biazon.

Show comments