Dehydration ikinasawi ng 2 nawawalang bata sa Taguig

MANILA, Philippines – Dehydration ang ikinasawi ng dalawang batang natagpuang patay sa loob ng isang sasakyan sa Taguig City nitong Martes.

Sinabi ni Southern Police District director Jose Erwin Villacorte na nasawi sina Dayne Buenaflor, 3, at James Naraga, 4, dahil sa dehydration matapos hindi makalabas sa sasakyan.

"Initial findings disclose that the kids may have died inside the car due to severe dehydration and may have been child locked inside," ani Villacorte.

Natagpuan ang naaagnas na bangkay ng dalawang biktima sa loob ng itim na 190 E Mercedes Benz (UGX 606) na nakagarahe sa bakanteng lote na pagma-may-ari ni Leonardo Valenzuela bandang alas-10 ng umaga kahapon.

Noong Marso 27 pa nawawala ang dalawang bata na unang inakalang dinukot ng mga sindikato.

Ayon sa mga pulis, nalaman na nasa loob ng sasakyang sina Buenaflor at Naraga matapos iutos ni Butch Valenzuela, kapatid ng may-ari ng lupa, sa tatlong lalaki na linisin ang lote.

Nakatawag pansin sa mga naglilinis ng lote ang mabahong amoy mula sa sasakyan at nang buksan nila ito ay tumambad ang bangkay ng dalawang bata.

"Ayon sa mga magulang, sinilip din nila ang lugar na ito pero nung sinilip nila ang mga sasakyan, ay wala naman silang nakitang tao o bata sa loob. So ngayon lang sila nakabalik at confirmed na mga anak nila ito," pahayag ng hepe ng Taguig City Police na si Senior Superintendent Arthur Felix Asis.

Dagdag ni Asis na maaaring pumasok sa loob ng sasakyang ang dalawang bata habang nakikipaglaro ng taguan at aksidenteng napindot ang lock nito.

Aniya, wala ring bakas na sapilitang ipinasok sa loob ng sasakyang sina Buenaflor at Naraga.

"It appears na naka-child lock nga yung sasakyan. According sa may-ari nung kotse, 'pag na lock yung sa driver's side, one by one maglock na yung ibang locks," sabi ni Asis.

"Although the SOCO has still yet to submit its report, it is very probable that dehydration is the cause of death. March and April are the hottest during summer," banggit ng hepe ng Taguig City Police.

 

Show comments