Dagdag P85 sa sahod sa Metro Manila kailangan na - TUCP

MANILA, Philippines – Dahil sa patuloy na nararanasang kahirapan, muling nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ngayong Miyerkules na aprubahan na ang hiling nitong dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Isinusulong ng TUCP ang dagdag P85 mula sa minimum wage na P456 kada araw upang matulungan ang 3.5 milyong manggagawa.

"We are trying to persuade the government and the employers and capitalists to take another look at your minimum wage employee and consider his or her situation. Maybe it’s time to reciprocate or do some kind of 'paying it forward," pahayag ng tagapagsalita ng TUCP na si Tanjusay.

Kung sakaling maaprubahan ang dagdag P85 ay magiging P541 na ang minimum wage, ngunit malayo pa rin ito sa dapat na daily wage na P1,200 kada araw na ayon sa gobyerno ay siyang kailangang kitain ng isang manggagawa na may anim na miyembro sa pamilya.

Noong Hunyo ng nakaraang taon ay tanging P30 dagdag sahod lamang ang inaprubahan ng gobyerno mula sa hinihinging P90 ng TUCP.

Sinabi ni Tanjusay na kinakailangang maaprubahan na ito sa lalong madaling panahon dahil sa hindi maawat na pagtaas presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ilan lamang dito ay ang pagtaas ng matriukula  sa 10 porsiyento mula sa limang porsiyento, dagdag na P44 sa generation charge ng Meralco, P27 sa liquified petroleum gas kada 11 kilo, at 80 sentimo sa langis.

Dagdag ni Tanjusay na wala pa rito ang naka-badyang pagtaas ng pamasahe sa Light Railway Transit (P5) at Metro Rail Transit (P10), singil sa tubig ng Manila Water at Maynilad, at .6 porsiyento na kontribusyon sa Social Security System premium payment.

"All these indicators point to the urgent need for an increase in wages. And I hope the wage board, particularly the government and the employers' representatives, will respond with the right amount," ani Tanjusay.

 

Show comments