MANILA, Philippines – Ibinasura ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang kahilingan ng militanteng grupong Bayan na magsagawa ng kilos protesta malapit sa Batasang Pambansa complex kung saan gagawin ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang ikaapat na State of the Nation Address sa Hulyo 22.
Sa halip ay iminungkahi ng Quezon City na sa parke malapit sa city hall na lamang sila magsagawa ng rally.
Nahain ng permit to rally ang Bayan upang makapag-rally sa panulukan ng Batasan Road at Commonwealth Avenue sa SONA.
Sinabi ni Bayan secretary general Renato Reyes na inaaral na ng kanilang mga abogado ang susunod na hakbang matapos silang hindi pagbigyan magsagawa ng kilos protesta.
Dagdag ni Reyes na "arbitrary action" ang ginawa ng Quezon City.
"Parang panahon uli ni GMA na ayaw kilalanin ang karapatang magprotesta at gustong ipagtabuyan ang mga tao papalayo sa SONA ni Aquino," sabi ni Reyes.
"Patunay muli na matapos ang tatlong taon, wala talagang pagbabago," dagdag niya.
Sinabi pa ng Bayan na itutuloy pa rin nila ang kanilang kilos protesta sa Lunes.