MANILA, Philippines - Uulanin ang buong bansa dahil sa low pressure area sa Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes.
Base sa weather bulletin ng PAGASA kaninang ala-5 ng umaga, namataan ang LPA sa 360 kilometro ng Guiuan Eastern Samar na nakapaloob sa intertropical convergence zone (ITCZ) sa Palawan, Visayas at Mindanao.
Ayon kay weather forecaster Jori Loiz, may malaking tsansa na maging bagyo ang LPA sa susunod na 24 hanggang 36 oras.
Kung tuluyan itong magiging bagyo ay papangalanan itong "Isang" ang pangalawang bagyo ngayong buwan at pang-siyam ngayong taon.
Makakaranas ng maulap na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may pagkulog at kidlat ang Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Visayas at Mindanao.
Magiging bahagyang maulap hanggang maulap na may pulo-pulong pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa.