MANILA, Philippines – Kahit kontra si Pangulong Benigno Aquino III sa planong amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas, sinabi ng Malacañang na hindi nito pipigilan ang mga nagsusulong ng Charter change sa Kamara.
“Malaya naman po ang ating mga mambabatas na itulak po ang kahit anong inisyatibo na nasa ilalim ng batas na gusto po nila," sabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang televised press briefing ngayong Biyernes.
Aniya wala namang indikasyon na gumugulong ang planong mag Cha-Cha.
Nitong Martes ay naghain ng House Joint Resolution No. 1, si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. na layong amyendahan ang economic provision ng Saligang Batas.
Nais ni Belmonte na lagyan ng katagang “unless otherwise provided by law†ang probisyon na nagbabawal sa mga dayuhan na panghawakan ang ilang sektor ng ekonomiya.
Sinabi ni Belmonte na mas maraming dayuhang investors ang maaakit ng Pilipinas oras na maayemdahan ang probisyon.
Kahapon ay may naghain din ng panukalang naglalayong palitan ang sistema ng gobyerno sa Pilipinas mula sa presidential system na gagawing federal-parliamentary.