DILG, bahay ni PNoy sa QC sinugod ng mga raliyista
MANILA, Philippines – Sinugod ng urban poor groups ngayong Huwebes ang opisina ng Department of Interior and Local Government office at tirahan ni Pangulong Benigno Aquino III sa Quezon City upang iprotesta ang pagpapaalis ng mga informal settlers sa Kamaynilaan at paglilipat sa kanila sa mga probinsya.
Inirereklamo ng mga grupo, sa pamumuno ng mga residente ng North Triangle, Quezon City at Bignay, Valenzuela City, ang pagpapalipat sa kanila malayo sa siyudad. Anila, malayo sa kanilang mga trabaho at walang mapagkakakitaan sa lugar na pinaglipatan sa kanila.
Makakatanggap ng P18,000 na tulong pinansyal ang bawat pamilya bilang parte ng off-city relocation package.
Bukod sa mga relocation sites sa probinsya, inalok ng DILG ang mga mapapalayas na residente sa mga pangunahing waterways ng Metro Manila ng malilipatan sa loob din ng Kamaynilaan.
Himanon ni Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, ang DILG na ipakita ang plano nilang magtayo ng in-city housing para sa mga apektadong pamilya.
Tinukoy din ng Kadamay ang in-city housing program ng Quezon City na BistekVille kung saan wala naman umanong mahirap na pamilya ang nakinabang.
Samantala, tumungo rin ang mga raliyista sa bahay ni Aquino sa Times Street upang ireklamo ang pananahimik ng Palasyo sa isyu ng demolisyon sa Metro Manila.
- Latest
- Trending