MANILA, Philippines – Patuloy na lumalakas ang bagyong Soulik (international name) habang lumalapit ito sa Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA kaninang alas-4 ng umaga, namataan ang bagyo sa may 1,780 kilometro silangan ng Basco, Batanes, na may lakas na 110 kilometers per hour (kph) at may bugsong aabot sa 140 kph.
Gumagalaw pa-kanluran ang bagyo sa bilis na 20 kph.
Inaasahang pumasok ng PAR ang bagyo bukas, at ito ay papangalanang “Huaning.†Ito ang unang bagyo sa buwan ng Hulyo at pangwalo ngayong taon.
Sinabi ni weather forecaster Glaiza Escullar na walang direktang epekto ang bagyo ngunit palalakasin nito ang haginging amihan na magdadala ng ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa Huwebes.
Dagdag ni Escullar na hindi rin inaasahang tatama ang bagyo sa kalupaan.
Samantala, apektado pa rin ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang Palawan at Mindanao.
Magiging maulap na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan at may kasamang pagkulog at pagkidlat sa mga bayan sa mga rehiyon ng Ilocos, Mimaropa, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Northern Mindanao.