MANILA, Philippines – Nagbabadya ang isa na namang marahas na demolisyon matapos ihayag ngayong Lunes ng mga iskwater sa Muntinlupa City na handa nilang gawin ang lahat upang pigilan ang pagpapalayas sa kanila sa kanilang lugar, ayon sa urban poor group na Kadamay.
Sinabi ng Kadamay na noong Huwebes pa nakahandang makipaglaban ang mga residente ng Carmina Compound sa Barangay Cupang matapos silang balaan ni Muntinlupa City police chief Senior Superintendent Roque Vega.
Hinimok ni Vega ang mga iskwater na magkusang gibain ang kanilang mga bahay hanggang ngayong Lunes.
Sa halip na sumunod, nagbarikada ang mga iskwater na nakatira sa gilid ng East Service Road ng South Super Hi-way.
Samantala, magtitipon naman ang mga iskwater ng Bignay, Valenzuela City ngayong Lunes sa city hall upang magprotesta kasunod ng demolisyon sa kanilang mga bahay noong Huwebes ng isang linggo.
Hinihiling din ng grupo na palayain ang kanilabg lider na si Ricardo Gagap, na inaresto dahil sa pangunguna sa pagharang sa demolisyon.
Pinabulaanan naman ng grupo ang sinasabi ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela na mayroon nang nakahandang relocation sites para sa kanila.