MANILA, Philippines – Higit 1,000 panukala na ang naihayin sa House of Representatives bago pa magbukas ang 16th Congress sa Hulyo 22.
Binuksan ng House of Representatives Plenary Affairs Bureau ang kanilang pintuan nitong Lunes para sa mga mambabatas na nais maghayin ng panukala at mga resolusyon.
Bandang 10:30 a.m. ngayong Huwebes, umabot na sa 1,093 House Bills at 31 House Resolutions na ang naihahayin sa House of Representatives.
Noong Lunes ng gabi, umabot sa 826 panukala, 25 House Resolutions, isang Concurrent Resolution, at isang House Joint Resolution ang opisyal natanggap at naibilang ng opisina.
Ipapasa ng Office of the Secretary General ang mga panukala sa Committee on Rules kasunod ng reconstitution ng pagbubukas ng Kongreso.
Ikinatuwa naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang malaking bilang ng mga inihaying panukala bago pa man mabukas ang bagong Kongreso.
"If the long queue on Monday was indicative of the enthusiasm of my peers to participate actively in quality legislation, it must be a very promising start. Who knows, it may even make this 16th Congress surpass the achievements of its predecessor," sabi ni Belmonte.
Noong nakaraang buwan ay sinabi ni Belmonte na mula sa 1,023 panukala ay 447 ang naisabatas.