Nancy Binay naghain ng panukala kontra cyber bullying

MANILA, Philippines – Matapos pagtripan sa internet noong panahon ng kampanya para sa eleksyon 2013, naghain si Sen. Nancy Binay ng panukalang kontra sa cyberbullying at iba pang klase ng “online violence.”

Layunin ng panukalang Electronic Violence Against Women (E-VAW) Law of 2013 na mapigilan ang hindi wastong paggamit ng social media kung saan sinabi ni Binay na “a mode of disseminating scandals involving both television personalities and private individuals.”

Nais ng panukala ni Binay na amyendahan at palawigin ang probisyon ng Republic Act 9262 o ang Violence Against Women and Children Act of 2004. Nakasaad dito na ang “electronic violence” ay anumang klase ng pagpapakalat ng impormasyon na magreresulta sa “mental, emotional and psychological distress or suffering to the victim.”

Kabilang dito ang pagpapakalat ng mga video na nagpapakita ng pribadong parte ng katawan; pagpopost sa internet ng mga sensitibo at “indecent content” na walang pahintulot ng biktima; pananakot sa pamamagitan ng text messaging, electronic mail, at iba pang pamamaraan; cyberstalking, kabilang ang pag-hack sa personal na account sa social networking sites at ang paggamit ng location trackers sa mga cellphone, at ang paggamit ng “identity” ng isang tao.

“Being bullied or harassed by a known perpetrator, or someone close to you, has a serious emotional and psychological impact than being hassled by a stranger. Mas masakit sa mga biktima kung kakilala nila ang gumagawa ng mga panliligalig sa kanila,” pahayag ng baguhang senador.

Maaaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon ang sinumang lalabag sa nasabing panukala, habang isang buwan hanggang anim na buwan na pagkakakakulong ang parusa sa mga magbabanta.

Kinakailangan rin magbayad ng P300,000 hanggang P500,000 ng mga lalabag sa panukala oras na maisabatas ito depende sa epekto nito sa biktima.

Magkakaroon din ng protection order ang biktima upang hindi na ito magulo pa.

Isa lamang ang E-VAW Law of 2013 sa 15 panukalang inihayin ni Binay sa kanyang unang araw bilang senador.

Kaugnay na balita: Binay, Poe umarangkada sa unang araw bilang mga senador

Noong kasagsagan ng kampanya ay naging puntirya ng asaran si Binay sa internet kung saan binabatikos ang babaeng senador dahil sa kulay ng kutis nito at kawalan ng kasanayan sa pulitika.

Show comments