MANILA, Philippines – Nagkunwari lamang ang 22 estudyante ng isang pampublikong paaralan sa Mandaluyong na sinapian ng masasamang espiritu nitong Miyerkules, ayon sa isang opisyal ng paaralan.
"Wala naman po talagang ganoong pangyayari ... 'Yun po yung analysis nila, na 'yung ibang mga bata doon, parang sumasama lang sa agos na kapag umiyak yung isa, nag-iiyakan na din," pahayag ni Isaac Lopez Integrated School assistant principal Loida Matic sa isang panayam sa radyo.
Paliwanag ni Matic na isang guro ang nagbanta na ibabagsak ang kanyang mga estudyante sa grade 7 at 8 na mahuhuling magkukunwaring sinapian din.
Kaugnay na balita: 20 estudyante sa Mandaluyong sinapian, klase kinansela
"Kasi isa sa mga secondary teacher yung Science teacher, nang sinabihan niya yung mga estudyante niya 'O sige yung sasama doon, mag-iinarte, ibabagsak kong lahat.' Wala namang nangyari sa section na 'yon," sabi ni Matic.
Dagdag ni Matic na ikinuwento ng kapitana ng barangay na isa sa mga noon ay dapat sinasapiang estudyante ang sinabihang nalaglag ang kanyang pera.
"Sinabihan din ng kapitana ang isa, iyong pera mo malalaglag na, kinuha naman ng bata, inilagay sa bulsa,’ ani Matic.
Nanawagan naman ang pamunuan ng paaralan sa mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak.
"Sa mga magulang, papasukin nila ang mga anak kasi kung hindi magme-make up classes sila," panawagan ni Matic.
Samantala, ikinuwento naman ng ilang estudyante na may isang grupo na naglalaro ng “spirit of the glass†kung saan isa umano itong pamamaraan upang tumawag ng mga espirito.
"Nung nag-recess po, hindi na nila natuloy, binitawan na nila yung baso, tumumba po yung baso.
Tapos may sinaniban pong isa, naghawa-hawa na po, kumalat na po," kuwento ng 14-anyos na estudyanteng nakilala lamang sa pangalang Joy sa isang panayam sa radyo.
Sinabi naman ng isa pang estudyante na si Poby na naging bayolente ang mga sinapiang estudyante at namumula ang mga mata habang nagsisigawan.
"Sinasabi po nila, 'Sinira n'yo yung kaharian ko! Sisisirain ko rin yung buhay n'yo ... Nangisay din po yung iba sa tabi namin," salaysay ni Poby.
Isa sa mga estudyante umano ang nakakita ng matangkad at maitim na babae.