MANILA, Philippines - Inamin ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Gerardo Esquivel ngayong Miyerkules na ang consumers ng Maynilad at Manila Water ang pumapasan ng corporate taxes ng mga ito sa nakalipas na anim na taon.
Kinumpirma ni Esquivel ang ulat ng na inilabas ng Water for the People Network (WPN) ng IBON Foundation na ang consumers ng dalawang water concessionaire ang sumasalo ng P3.1 bilyon na corporate taxes kada taon mula noong 2008.
Sa naturang halaga, P1.5 bilyon ang sa Manila Water at P1.6 bilyon naman sa Maynilad.
"Anim na taon na pong kinukubra ng Maynilad at Manila Water 'yung income tax at 'yung binabayad nila at ipinapasa nila sa consumer," pahayag ni Esquivel sa isang panayam sa radyo.
Pero nilinaw ni Esquivel na nakasaad naman ito sa mga water bills ng dalawang kompanya.
"Hindi naman po siguro 'yun sinasadyang itago kundi ganoon lang po talaga 'yung framework ng billing natin. Wala naman po akong nakikitang desire to hide that fact," dagdag ng pinuno ng MWSS.
Nilinaw din ni Esquivel na sinusubukan ng MWSS na maiwasan ito o mabawasan man lang upang hindi magdusa ang mga consumer.
"Tinitignan po natin kung meron pong paraan para tanggalin 'yan at kung meron man, tignan nang maayos para maging seamless ang implementation nito," sabi ni Esquivel.
Sa report na inilabas ng WPN kamakalawa ay nais pa ng dalawang kompanya na ipasalo ang mga buwis nila sa publiko sa susunod pang limang taon.
"Manila Water is seeking a Php5.83 per cubic meter (cu. m.) increase in its basic charge and Maynilad, Php8.58 for 2013-2018," nakasaad sa ulat.
Dagdag ng grupo na bukod sa pag-iwas na bayaran ng dalawang kompanya ang buwis mula sa kanilang pondo ay kikita pa sila kung maipapatupad ito.
"A guaranteed rate of return called appropriate discount rate or ADR is applied on the pass-on income taxes as part of the (operating expenses or opex)," ani ng WPN.
Inaakusahan pa ng grupo ang Maynilad na ipinapasa pa rin nito sa consumers ang pagbabayad ng buwis kahit na binigyan sila ng tax holiday ng gobyerno.
"In the case of Maynilad, this is even a triple whammy because the Manny Pangilinan-led firm enjoys an income tax holiday but still included corporate income taxes in its opex, further bloating its profits," base sa report na nakuha ng IBON.
Sinabi ni Esquivel na patuloy na ipinapasa ng Maynilad at Manila Waters ang pagbabayad ng corporate tax kahit na binigyan sila ng tax holiday noong 2009.
"Huwag po kayong mag-alala. Talaga pong masinop ang kanilang pag-audit at pagbalanse ng dalawang interes na ito," ani Esquivel.