MANILA, Philippines - Muling nagtaas ng presyo ng kanilang produktong petrolyo ang "Big Three" ngayong Martes.
Kaninang ala-6 ng umaga ipinatupad ng Petron Corporation, Pilipinas Shell at Chevron Philippines (dating Caltex) ang dagdag na 45 sentimo kada litro sa gasolina at 90 sentimo kada litro sa diesel at kerosene.
Hindi pa naman nagpapahayag ang iba pang kompanya ng langis kung susunod ang mga ito sa panibagong oil price hike.
Ang panibagong pagtataas ng produktong petrolyo ay base umano sa presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado at sa foreign exchange rate.
Ito na ang pampitong sunod na linggo na nagtaas ng presyo ng petrolyo mula noong Mayo.
Noong nakaraang linggo ay nagtaas na rin ang mga kompanya ng langis ng P1.45 kada litro sa diesel, P1.05 at P1.30 kada litro sa gasolina at kerosene.