MANILA, Philippines – Planong ipanukala ni acting Senate Presidente Jinggoy Estrada na gawing P1 lamang ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Deparment of Labor and Employment (DOLE) kung hindi ng mga ito mareresolba ang isyu tungkol sa “sex-for-fly†scheme sa Gitnang Silangan.
Hinamon ni Estrada, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development, ang administrasyong Aquino na panagutin ang mga labor officers sa na may kinalaman sa umano'y pagbubugaw sa mga stranded na overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan.
"Gaya marahil ng mga nakarinig ng istoryang ito, ako ay nanggagalaiti sa galit nang aking malaman na ang ilang opisyal ng ating embahada at [Philippine Overseas Labor Office] ay nakuha pang pagkakitaan ang kalunos-lunos na sinapit ng ating mga kababayang OFW," pahayag ni Estrada.
"Sila na tinatakbuhan ng mga OFW at inaasahang magtatanggol sa kanilang karapatan at kapakanan ang siya palang magsasamantala sa kanila," dagdag ng senador na hawak din ang congressional oversight committee on overseas workers affairs.
Aniya bigyan dapat ng DFA at ng DOLE ng hustisya ang mga biktima na umano'y pinuwersang maging mga prostitute kapalit ng pagpapauwi sa kanila pabalik ng bansa.
Si Akbayan Party-list Rep. Walden Bello ang nagputok ng balita tungkol sa umano’y raket kung saan inaakusahan niya si Mario Antonio, assistant labor attaché sa Amman, Jordan; isang Blas Marquez mula sa Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait; at isang Kim mula Damascus, Syria.
Nitong Huwebes ng umaga ay humarap sa unang pagkakataon si Antonio sa publiko upang itanggi ang mga akusasyon sa kanya.
Kaugnay na balita: Labor officer sa 'sex-for-fly' humarap sa publiko
Sinimulan na ng DOLE at ng DFA ang magkahiwalay na imbestigasyon sa kontrobersiya at nanawagan sa mga biktima na maghayin ng pormal na reklamo laban sa mga labor officers na sangkot sa naturang raket.
Samantala, kinondena naman ng Philippine Commission on Women (PCW) ang umano’y prostitusyon sa Gitnang Silangan.
"Officials should restore the dignity of women OFWs, not prey on their vulnerabilities. Pimping or sexually exploiting them in exchange for plane tickets back to the Philippines are gross violations," pahayag ng PCW.
"Let us not close our eyes on this grim possibility. A woman’s body is not a commodity nor should it be reduced to such," dagdag ng ahensya.