MANILA, Philippines – Nadakip sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency ang tatlong katao, kabilang ang isang forest ranger at dating konsehal, sa lungsod ng Davao.
Pinangalanan ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina Anwar Guialudin, 52, forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources-Region 12, dating konsehal na si Abdullah Masukat, 52, at bagitong si Riyaddin Nanding.
Binentahan ng tatlong suspek ang undercover agent ng PDEA ng 155 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon sa Victoria Plaza Parking Area, JP Laurel Ave., Bajada, Davao City bandang 9:36 ng umaga noong Hunyo 14.
Bukod sa shabu, nasabat mula sa mga suspek ang P1,000 papel na ginamit bilang marked money, Toyota Innova (LGF-935) at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nahaharap sa kasong pagtutulak ng ilegal na droga ang tatlong suspek.