Isa pang masamang paglapag ng Cebu Pac flight

MANILA, Philippines – Isa na namang eroplano ng Cebu Pacific ang nagkaroon ng problema sa paglapag nitong Huwebes ng hapon, ayon sa isang opisyal ng paliparan ngayong Biyernes.

Tinamaan ng Flight 5J-558 na galing ng Iloilo ang runway lighting o ang ilaw sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sinabi ni NAIA general manager Jose Angel Honrado na hindi naging maganda ang landing ng eroplano dahil sa masamang panahon sa Metro Manila kahapon.

Kinukuwestiyon ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang piloto ng eroplano na nakilalang si Jay Palomilio.

Dagdag ni Honrado na bandang alas-4 ng hapon nangyari ang masamang landing ng eroplano at limang ilaw ng Runway 6 ng paliparan ang nasira.

Samantala, sinabi naman ng Manila International Airport Authority na apektado ang walong biyahe ng paliparan dahil sa masamang panahon.

Tatlong biyahe ng Cebu Pacific ang nakansela, lima naman sa Philippine Airlines, kabilang ang Manila-Los Angeles na biyahe ang na-pert.

Nitong pagsisimula ng Hunyo ay sumadsad ang isang eroplano ng Cebu Pacific sa runway ng Davao International Airport kung saan 3,000 pasahero ang na-stranded ng dalawang araw.

Lumabas sa imbestigasyon ng CAAP na pilot error ang naging sanhi ng pagsadsad ng eroplano na may 165 na kataong sakay.

 

Show comments