MANILA, Philippines - Naibigay na ng Department of Justice kay Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes ang final report ng National Bureau of Investigation sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese noong Mayo 9 sa Balitang Channel.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na ang ipinasok sa naturang report resulta ng imbestigasyon ng Taiwanese counterpart ng NBI.
Sa isang panayam sa telebisyon, kinumpirma ni De Lima na inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Services na sangkot sa pamamaril sa 65-anyosn na mangingisdang Taiwanese na si Hung Shih-Cheng noong Mayo 9 sa karagatang malapit sa Bataan.
Sinabi rin ni De Lima na may rekomendasyon din sa final report na magsama ng kasong administratibo laban sa ilang tauhan ng gobyerno, ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.
Sa naturang ulat, sinabi ni De Lima na hindi pa matukoy ang eksaktong lugar kung saan naganap ang pamamaril ng PCG personnel sa mga barkong pangisda ng mga Taiwanese.
Nauna nang inihayag ng mga opisyal ng bansa na sa mismong karagatang sakop ng Pilipinas naganap ang pamamaril na kinontra naman ng Taiwan na nagsabing sa overlapping exclusive econimic zones ng dalawang bansa naganap ang pamamaril.
Ayon kay De Lima, nitong Huwebes din lamang nakumpleto ng NBI ang report na kaagad niyang ipinadala sa tanggapan ng Pangulong Aquino.
Hinihintay pa ni De Lima ang hudyat mula sa Pangulo upang isapubliko ang nilalaman ng ulat.
Samantala, sinabi naman ng NBI na humihingi na ang Taiwan ng kopya ng final report.
"I think I made it clear to them, until we get hold of the copy we cannot give them any information," sabi ni NBI Deputy Director Virgilio Mendez sa isang panayam sa radyo.