Mga estudyante ng USM: Papasukin na kami!

MANILA, Philippines - Kinalampag ng mga estudyante ng University of Southern Mindanao (USM) sa Kabacan, North Cotabato ang mga opisyal ng gobyerno upang ibalik na ang klase sa kanilang paaralan na naaantala nang barikadahaan ng mga raliyista ang gate nito.

Hinimok ng Initiating Committee on Students’ Concerns (ICSC) ang Board of Regents, Commission on Higher Education at lokal na gobyerno na aksyunan na ang problema sa USM na anila ay sinasagasaan na ang ang kanilang karapatan sa edukasyon.

Nanawagan si A-esha Afdal Ampatuan,  ICSC co-organizer, sa kanyang mga kapwa estudyante na isulong ang kanilang karapatan sa edukasyon at sumama sa kanilang panawagan na buksan na ang klase sa unibersidad.

Inilabas ng mga estudyante ang kanilang "manifesto of concern" matapos kumalat ang mga balitang hindi matutuloy ang kanilang unang semestre para sa taong 2013-2014 dahil sa kasalukuyang krisis sa kanilang paaralan.

Mula nitong Hunyo 9 ay kinandaduhan ng mga raliyistang nagpakilala "Oust Derije Movement" ang mga gate ng paaralan.

Nang magbukas ang klase nitong Hunyo 10 ay hindi nakapasok ang mga estudyante at mga guro ng naturnag unibersidad.

“We, the students become both the unwilling tools and pawns among the protagonists. Don’t we have the right to pursue education free from anxiety and uncertainty that is caused by the warring parties?” sabi ng ICSC.

Nais ng mga raliyista na patalsikin si USM president Dr. Jesus Derije  dahil sa umano'y pangungurakot nito at pang-aabuso sa kanyang kapangyarihan.

Sinabi ni Professor Raffy Tadeo, tagapagsalita ng grupo, na nais nilang buksan ang posisyon ni Derije sa iba pang kwalipikadong aplikante.

Ngunit sinabi ni Ampatuan na habang isinusulong ito ng grupo ay naaapektuhan naman ang karapatan sa edukasyon ng mas nakararaming estudyante ng unibersidad.

“Our parents struggle hard to send us to school; hence, we demand not to hamper our right to education. It is one of our basic rights! We demand justice!,” ani Ampatuan.

Show comments