MANILA, Philippines – Dalawa katao ang nasawi at isa ang sugatan matapos tumaob ang isang cargo truck sa Calauag, Quezon, ngayong Lunes.
Kinilala ni Senior Supt. Dionardo Carlos, acting director ng Quezon Provincial Police Office, ang mga biktima na sina Emmanuel Anabo Marquez, 35, ng Pulido Extension, Carmona,
Cavite at Ligaya Pacheco Arida, 48, ng Barangay Villa Nava, Gumaca, Quezon.
Kapwa nasawi kaagad sina Marquez at Arida matapos maipit sa loob ng trak. Sugatan naman ang pahinante ng trak na si Teodorico Maranca Anabo, 57, ng San Antonio, Kalayaan, Laguna.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang Isuzu trailer truck (ZGG 221) habang binabagtas ang palusong na parte ng Maharlika Highway.
Nawalan ng kontrol ang nagmamanehong si Marquez at inararo muna ang taniman ng mga niyog bago tumaob ang sasakyan.
May kargang 1,000 sako ng semento ang trak na patungo sana ng General Mariano Alvarez, Cavite nang maganap ang aksidente sa Barangay Lungib bandang 1:30 ng madaling araw.
Masuwerteng may napadaan na trak at naisugod sa St. Peter’s General Hospital si Anabo.