MANILA, Philippines – Inutusan ngayong araw ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) na magreserba ng puwesto sa House of Representatives para sa diniskwalipika nito na Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines Inc. (Senior Citizens) sa party-list elections.
Naglabas ng dalawang status quo ante order (SQAO) ang mataas na hukuman bilang sagot sa petisyon na inihayin ng Senior Citizens at Abang Lingkod Party List, na parehong diniskwalipika ng Comelec.
"However, in the Senior Citizens SQAO, the Court further directs the Comelec to reserve the seat(s) intended for petitioner Senior Citizens according to the votes it garnered in the May 13, 2013 elections," ayon sa Korte Suprema.
Nakatanggap ng 671,916 na boto ang Senior Citizens at pumuwesto sa pang-10 sa opisyal na bilang ng Comelec. Kung sakaling maiproklama na ng Comelec ay makakakuha sila ng dalawang upuan sa Kongreso.
Pero hindi kabilang ang Senior Citizens sa grupong ipinroklama ng Comelec nitong nakaraang Linggo.
"Proclamations of Abang Lingkod and Senior Citizens as winners in the May 13, 2013 elections are ordered to be held in abeyance until the Court shall have resolved the petitions involving these two party-list groups," sabi ng mataas na hukuman.
Diniskwalipika ng Comelec ang Senior Citizens dahil sa pagkaroon ng dalawang set ng mga nominado.