MANILA, Philippines – Wala munang updates na ilalabas tungkol sa pagsabog sa Two Serendra sa lungsod ng Taguig, ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ngayong Martes.
Sinabi ni Roxas na kailangan munaNG tapusin ng mga imbestigador ang kanilang pakikipag-usap sa mga testigo at residente ng condominium community, gayundin ang laboratory tests bago maglabas muli ng update.
"No updates today. As per agreement today is for all the various investigators to work on the interviews and finish the laboratory work. Maybe bukas may update and final by Friday," pahayag ni Roxas sa isang text message na ikinalat ng kanyang mga tauhan.
Nauna nang sinabi ni Roxas na walang natagpuang ebidensyang puwedeng magsabing bomba ang dahila nng pagsabog sa Unit 501-b ng Two Serendra, nitong Biyernes ng alas-8 ng gabi.
Sa lakas ng pagsabog ay tumalsik ang isang buong pader sa napadaang delivery van na ikinamatay ng mga sakay nitong sina Salimar Natividad, tsuper, at mga pahinante nitong sina Jeffrey Umali at Marlon Bandiola.
Sugatan din ang lima pang katao, kabilang ang nakatira sa sumabog na condominium na si Angelito San Juan, 63, na nagtamo ng second degree burns. Naka-confine pa si San Juan sa intensive care unit ng St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City.
Sinabi pa ni Roxas na pinag-aaralan na rin ng mga crime scene investigators Philippine National Police at ng Bureau of Fire Protection ang pattern ng pagsabog at kinakailangan na lakas upang masira ang isang buong pader.
"Inaaral ng soco (Scene of the Crime Office) at BFP ang burn patterns at shattering o pagtapon ng debris. Kina-calculate nila ang amount of force needed na italon ang debris. Sa nagyon, wala pang nakitang triggering device sa debris sa kalye, but we are not ruling out anything," ani Roxas.
Dagdag ng kalihim na may posibilidad din na gas leak ang pinagmulan ng pagsabog.
"Dapat alamin kung ano talaga ang nangyari dito. Gagamitin ang siyensya at lahat ng ahensya ng pamahalaan, pati yung sa Army explosives.
Malalaman talaga natin kung ano talaga ang nagyari dito nang ganun ay makagawa tayo ng sapat na hakbang at 'di na maulit ito," sabi ni Roxas.