MANILA, Philippines – Tinapos na ng Department of Justice ngayong Lunes ang imbestigasyon nito sa kontrobersyal na pamamaril ng mga awtoridad sa isang hinihinalang gambling lord at 12 iba pa sa Atimonan, Quezon noong Enero 6.
Sinabi ni Senior State Prosecutor Theodore Villanueva na naipasa na nila ang kaso para sa resolusyon kasunod nang paghahayin ng counter-affidavit ng mga pulis na sangkot sa insidente.
Nahaharap sa kasong multiple murder si Calabarzon regional police director, Chief Superintendent James Melad dahil sa pagkamatay ng grupo ng hinihinalang gambling lord na si Vic Siman at mga kasama nito.
Kasama pa sa mga inirereklamo sina Superintendent Hansel Marantan, na tumayong team leader ng operasyon, at mga police officers na sina Senior Inspector John Paolo Carracedo, Senior Police Officer 1 Arturo Sarmiento, Superintendent Ramon Balauag, Senior Inspector Timoteo Orig, Chief Inspector Grant Gollod, Senior Police Officer 3 Joselito de Guzman, Senior Police Officer 1 Carlo Cataquiz, Police Officer 3 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO2 Al Bhazar Jailani, PO1 Wryan Sardea, at PO1 Rodel Talento.
Naisampa na ang kaso noong pang Marso matapos lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na rubout ang nangyari at hindi shootout na sinasabi ng mga pulis base sa mga testigo at mga ebidensyang nakalap.
Base sa salaysay ng mga testigo ay handa nang sumuko ang mga biktima ngunit pinagbabaril pa rin ito ng mga suspek.
Sinabi ng NBI na awayan sa jueteng ang motibo nang pagpatay sa mga biktima.