UP wagi sa Asian debate championship

MANILA, Philippines - Tatlong estudyante ng University of the Philippines Diliman (UPD) ang nanaig sa Asian debate champions matapos patumbahin ang National University of Singapore (NUS) sa final round ng isa sa pinakamalaking debate tournament sa Asya.

Wagi sina Carlo Borromeo, Valeri Inting at Jesus Falcis ng UPD team 1 sa debate tungkol sa dapat bang ipagbawal o hindi ang inheritance.

Sinabi ng UPD na ang inheritance ay nakakatulong sa hindi pagiging pantay-pantay ng mamamayan dahil ang mayayamang tao ay ibinibigay lamang ang pera sa kanilang kamag-anak.

Ayon sa koponan ng UPD, dapat ipamahagi ang yaman sa mga mamamayan upang makinabang ang mga mahihirap.

Para naman sa grupo ng NUS, ang pagbabawal sa pamana ay pagnanakaw sa mga pamilyang nabibilang sa middle class dahil ang kanilang itatabing pera para sa kinabukasn ng kanilang mga anak ay mapupunta sa iba.

Sagot ng UPD na kahit ang mga nasa middle class ay makikinabang sa pamamahagi ng yaman.

Kinilala si Inting bilang best speaker sa finals at second best speaker ng buong torneo, habang nasa pampito at pangwalong puwesto sina Borromeo at Falcis.

Nasa pang-apat na puwesto naman si Allan Cabrera ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa listahan ng best speakers.

Samantala, si Kop Oebanda ng ADMU naman ang kinilalang best judge.

Ito ang ikalawang beses na nanalo ang koponan ng Pilipino sa regional debate mula nang magsimula ito noong 2010.

Nanalo ang ADMU sa inaugural tournament sa Bangkok, habang ang National University of Singapore at Nanyang Technological University ng Singapore ang nanaig sa 2011 (Macau) at 2012 (Kuala Lumpur), ayon sa pagkakasunod.

Show comments