MANILA, Philippines - Naghayin ng counter-affidavit ang aktres na si Solenn Marie Adea Heussaff ngayong Martes sa tax evasion case na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Department of Justice (DOJ).
Kasama ni Heussaff ang kanyang abogadong si Jay Layug sa paghahayin ng counter-affidavit.
Ayon kay Layug, sinabi nila sa counter-affidavit na hindi intensyon ng kanyang kliyente na hindi magbayad ng tamang buwis.
Dagdag ng abogado, hindi nabigyan ng due process ang aktres dahil limang araw lamang ang ibinigay ng BIR upang maisaayos ang mga kaukulang papeles at agarang isinampa ng reklamo sa DOJ.
Naniniwala naman si Layug na walang "probable cause" upang isampa ng DOJ sa korte ang kaso.
Itinakda ng DOJ ang susunod na pagdinig sa reklamo sa Hunyo 19.
Kinasuhan ng BIR si Heussaff ng tax evasion dahil sa umano'y maling deklarasyon ng kanyang kinita noong taong 2011.
Sinabi ng BIR na kumita ng P13.38 milyon si Heussaff noong 2011 ngunit P6.73 milyon lamang ang idineklara nito.
Ayon pa sa kawanihan, may kulang na P3.6 milyon na buwis si Heussaff.