MANILA, Philippines - Arestado ang isang abogado ng Bureau of Immigration and Deportation matapos umanong mahuli na nangingikil sa isang retiradong US Navy personnel, ayon sa pulisya ngayong Lunes.
Kinorner ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police at ng National Bureau of Investigation ang abogadong si Serafin Araulla-Abellon, legal officer ng BID, sa isinagawang entrapment operation nitong Biyernes sa loob ng immigration office sa lungsod ng Mandaue.
Isinagawa ang operasyon laban sa abogado dahil sa reklamo ni Jaimes Samuel Mercier, isang retiradong miyembro US Navy, na humingi ng tulong kay Abellon upang palawigin ang kanyang visa.
Humingi umano ng P25,000 si Abellon upang mapalawig ang visa ni Merceir na nagkakahalaga lamang ng P2,800, ayon sa retiradong US Navy.
Matapos magbigay ng P10,000, humirit pa umano si Abellon ng karagdagang P15,000, dagdag ni Mercier.
Sinabi ng CIDG na noong 2009 ay nakasuhan na rin si Abellon ng graft and corruption and grave misconduct dahil sa paningikil naman nitonsa isang Hapon sa lungsod ng Tagbilaran sa parehong gawain.
Dagdag ng CIDG na kinasuhan na nila si Abellon ng paglabag sa RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act sa Office of Ombudsman.