MANILA, Philippines - Pinalaya na ng Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Huwebes ng gabi ang dinukot nilang social worker sa bayan ng Ungkaya Pukan sa probinsya ng Basilan.
Sinabi ni Senior Superintendent Mario Dapillosa, direktor ng Basilan police provincial office, pinalaya na si Jennelyn Luna-Enpera ng provincial office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bandang 7:30 ng gabi sa Barangay Ulitan sa Ungkaya Pukan.
Dagdag ni Dapillosa na ibinigay ng mga bandido si Enpera sa mga lokal na opisyal at opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tumayong mga negosyador.
Dinukot ang biktima ng mga miyembro ng ASG nitong Miyerkules ng umaga.
Sinabi pa ni Dapillosa na inihatid ng MILF si Enpera kay Sumisip Mayor Gulam Hataman kasama ang mga pulis at sundalo.
Nasa maayos na kondisyon naman ang biktima nang ibalik naman sa kanyang pamilya.
Iginiit ni Dapillosa na walang kapalit na ransom money ang paglaya ni Enpera.