MANILA, Philippines - Tiklo ang hinihinalang pinuno ng kilabot na drug group kasama pa ang isang menor de edad sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Dagupan, Pangasinan nitong Martes.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na nasakote si Allanoden Mustapha, na kilala rin sa alyas na Salinga Naga, 46, at 16-anyos na menor de edad nitong Mayo 21 matapos bentahan ang mga tauhan ng PDEA Regional Office ng shabu sa Perez Boulevard, Dagupan City.
Nabawi mula sa mga suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu, dalawang motorsiklo at P500 na ginamit bilang marked money.
Sinabi pa ni Cacdac na si Mustapha ang pinuno ng Basilan Drug Group at kabilang sa listahan ng PDEA bilang High Value Target drug personalities.
Nahuli na noong 2011 si Mustapha sa pagpapatupad ng Oplan Avatar 2 ngunit nakalaya rin matapos magpiyansa.
Inihahanda na ng PDEA ang mga isasampang kaso laban kay Mustapha, habang dinala na sa kustodiya ng Dagupan Social Development and Welfare Office ang menor de edad na kasama nito.