MANILA, Philippines - Todo papuri si Pangulong Benigno Aquino III kay Sen. Franklin Drilon sa isinagawang thanksgiving party ng Team PNoy nitong Miyerkules ng gabi.
Sa kanyang talumpati hindi naiwasan ang mga haka-hakang ineendorso na ni Aquino ang beteranong senador para sa Senate presidency sa 16th Congress.
"Kampante naman po tayong maipapaabot sa ating mga kababayan ang mensahe ng Team PNoy at ang mga mabubuting bagay na nagaganap sa ating bansa sa pamumuno ng ating walang kakupas-kupas na campaign manager, the only big man in the Senate, Senator Frank Drilon," pahayag ni Aquino.
"Bilib na bilib tayo sa ating big man: walang reklamo, kalmadong kalmado at hindi talaga tatawag at mang-aabala ng iba nang walang importanteng dahilan," dagdag ni Aquino na ibinida din ang malawak na kasanayan ni Drilon bilang senador.
Sinabi naman ni Drilon na ayaw niyang isipin na siya ang nangunguna sa listahan para sa puwesto at sinabing aantayin niya ang desisyon ng kanyang mga kasama sa senado. Aniya lahat ng kasamahan niya ay kwalipikado sa puwesto.
"Every senator is a force to contend with. Every one of them," komento ng senador nitong linggo. "The 24 Senators have every right to aspire for the Senate Presidency."
Iginiit ng Malacañang na hindi mangingialam ang Palasyo sa liderato sa senado.
"The President has said it is up to the senators to decide who will be their next leader," sabi ni Deputy Presidential Abigail Valte.
Dagdag ni Valte na wala siyang inpromasyon kung ikakampanya ni Pnoy sa kanyang mga kaalyado si Drilon.
Ang bagong Senado sa susunod na kongreso ay kabibilangan ng siyam na bagong senador na kaalyado ng Pangulo.
Ito ay sina re-elected Loren Legarda, Francis Escudero, Alan Cayetano, Antonio Trillanes IV, Koko Pimentel at mga baguhan na sina Grace Poe, Sonny Angara, Bam Aquino, at Cynthia Villar.