MANILA, Philippines – Napakalma ng mga lokal na opisyal ng Maguindanao ang dalawang nagbabakbakang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) nitong Martes, kung saan 258 katao ang pansamantalang lumikas ng kanilang tahanan.
Nagkasagupa ang grupo nina Salipada Sumael ng Barangay Ganassi sa North Upi at ang Basco Omar ng Barangay Lamod sa South Upi.
Dahil sa nasabing gulo kahapon ng umaga ay iniwan ng mga residente ang kanilang mga bahay upang makaiwas sa gulo.
Sinabi ni North Upi Mayor Ramon Piang, chairman ng municipal peace and order council, nagawan nila ng paraan na mapagkasundo na ang dalawang grupo na sa pamamagitan ng paglagda ng mga kinatawan ng mga ito sa isang "preliminary truce" upang mapahupa ang tensyon sa dalawang barangay.
Nagkairingan ang dalawang grupo dahil sa pamumuno sa sakahan ng Moro at Teduray boundaries ng South at North Upi.
Tumaas pa ang tensyon dahil sa magkaiba ang mga personalidad na sinuportahan ng dalawang grupo sa katatapos lamang ba eleksyon.
Sumiklab ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo matapos disarmahan ng tropa ni Omar ang dalawang miyembro ng kabilang paksyon kasunod ang nabulilyaso na pagpatay sa bise-alkalde ng North Upi, dalawang araw bago ang halalan.
Nagsimula ang banatan ng dalawang grupo noong Mayo 17 na nagdala ng takot sa mga residente ng dalawang bayan.