MANILA, Philippines - Isang Pinoy ang nasalanta ng tornado na tumama sa lungsod ng Oklahoma sa Estados Unidos nitong linggo, ayon sa konsulado ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Consul General Leo Herrera-Lim sa twitter account ng embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos na isang Pinoy ang nawalan ng tirahan nang manalasa ang buhawi.
Hindi pa naman nakikilala ang nasabing Pinoy.
Sinabi rin ni Lim na wala pang natatanggap ang kanyang opisina na ulat ng nasawi na Pinoy sa Moore, Oklahoma City. Umaabot sa 10,800 ang Pinoy na nakatira sa lugar.
Nitong Martes ay maraming bahay ang winasak sa ng isang tornado sa Moore. ANg tumamang tornado ang pinakamalakas sa kasaysayan ng Estados Unidos.
Umabot sa 24 ang nasawi sa pananalasa ng tornado.
Mauswerte namang hindi natamaan ang Philippine International Baptist Church sa Oklahoma, ayon pa sa embahada.
"Philippine International Baptist Church spared as it was two blocks south of path of tornado," pahayag ng embahada sa microblogging site na Twitter.
Sinabi pa ni Lim na nahihirapan silang makipag-ugnayan sa mga Pilipino dahil sa kawalan ng kuryente sa lugar.
"Philippines Consulate General in Chicago remains in touch with local government agencies, American Red Cross and Filipino community," dagdag ng embahada.
Dagdag ni Lim na patuloy pa rin ang search and rescue operations sa lugar.