MANILA, Philippines - Sinabi ng isang grupo ng mga mangingisda ngayong Lunes na mapapalala lamang ang kawalan ng trabaho sa bansa ng mga proyektong turismo ng gobyerno.
Ayon sa grupong Pamalakaya, maraming Pilipino ang mawawalan ng tirahan at trabaho lalo na ang mga naninirahan sa tabing-dagat kapag ipinagpatuloy ang nasabing proyekto.
"More and more people will join the reserve army of labor and the displacement, especially in coastal areas, would be in huge proportions," pahayag ni Pamalakaya vice chairmaan Salvador France.
Sinabi ng Department of Budget and Management sa isang national budget memorandum noong Abril 18, sa susunod na dalawang taon ay magiging pukpukan ang pagtataguyod nila sa turismo upang mapondohan ang pagtatayo ng mga international na paliparan at kalsada upang mas mapadali ang pagpunta sa mga ipinagmamalaki ng bansa.
Ayon pa sa memorandum, ang unang taon ng Tourism Development Plan ay matagumpay na naipatupad joong 2012 kung saan humataw ang pagbisita ng mga dayuhan sa bansa ng 4.3 milyon mula sa 3.9 milyon noong 2011.
Umakyat din sa $3.8 bilyon ang visitor receipts mula sa $3 bilyon ng 2011.
Sinabi ni DBM Secretary Florencio Abad na kailangang ipagpatuloy pa ang programa upang makaakit pa ng mga turista na magreresulta sa maraming trabaho.
Ngunit inaalala ni France na masasagasaan ng Tourism Development Project sa ilalim ng Public-Private Partnership na programa ng administrasyong Aquino ang mga kabahayan sa tabing-dagat.
Tinutukoy ni France ang mga lugar na Vigan (Ilocos Sur), Laoag (Ilocos Sur), Subic-Clark-Corregidor, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Zambales Coast, Bataan Coast at inland Aurora sa Central Luzon; Metro Manila, Nasugbu- Looc, Ternate, Cavite, Laguna de Bay, Batangas Peninsula at Quezon Coast; mga isla sa isla sa Metro Manila at Calabarzon; Camarines Sur at Camarines Norte, Catanduanes, Albay at Sorsogon sa Bicol Region; San Vicente, El Nido, Taytay, Puerto Princesa, Southern Palawan, Busuanga, Coron at Culion sa Palawan; Northern Cebu, Bantayan, Malapascua, Metro Cebu, Mactan, Olango, Southern Cebu; Negros Oriental, Dumaguete, Siquijor, Tagbiliran at Panglao sa probinsya ng Bohol; Metro Iloilo, Guimaras, Bacolod, Silay, Boracay, Kalibo, Antique at Capiz; Camiguin, Cagayan de Oro, Misamis Oriental coast, Iligan City at Lanao del Norte, Tangub Bay, Ozamiz, Oroquieta at Bukidnon; lungsod ng Davao, Samal Island, Davao del Norte, Davao del Sur, Compostela Valley at Davao Oriental.
Aniya, magreresulta sa kawalan ng trabaho ang 172,000 residente sa probinsya ng Ilocos at aakyat ang bilang ng underemployment ng 373,000.
Dagdag ni France na magkakaroon ng maliliit na trabaho ngunit hindi nito mareresolba ang unemployment at underemployment sa Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon na may 466,000 unemployed at 849,000 underemployed, Bicol na may 148,000 unemployed at 780,000 underemployed, Palawan na may 55,000 unemployed at 282,000 underemployed, Central Visayas na may 224,000 unemployed at 605,000 underemployed, Cagayan de Oro coast at liblib na lugar na may 95,000 unemployed at 556,000 underemployed, at ang Davao Gulf region na may 119,000 unemployed at 335,000 underemployed.