MANILA, Philippines - Tapos na ang liquor gun ban, pero bawal pa ring magdala at uminom ng alak sa mga tanggapan ng gobyerno, paalaala ng Civil Service Commission (CSC) sa mga empleyado ng gobyerno ngayong Biyernes.
Sinabi ng ahensya na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa oras ng trabaho alinsunod sa CSC Resolution 1100039.
Sinabi ni CSC Chairman Francisco Duque na ang pag-inom tuwing oras ng trabaho o pagpasok na nakainom ay kabilang sa administrative offenses hiwalay pa sa haharaping parusa sa habitual drunkenness.
Hinahayaan lamang na uminom ang mga empleyado kung mayroong programa, special events at may pagdaraos ng mga local customs at tradisyon.
Tanging malt at wine lamang ang maaaring inumin at mahigpit na ipinagbabawal ang paglalasing.
Dagdag ng ahensya na maaaring managot ang empleyado gayun din ang pinuno ng opisina.
Samantala, ang mahuhuling nakainom o nag-iinom sa oras ng trabaho ay masususpinde ng isa hanggang anim na buwan sa unang pagkakataon. Kung maulit ang nasabing paglabag ay maaaring masipa sa trabaho ang mahuhuli.