Higanteng bato, tumama sa mga mountaineers sa Mayon
MANILA, Philippines – Tumungo na nang bulkang Mayon ang mga rescue teams at helicopter na magsusundo sa mga bangkay ng nasawing mountaineers ngayong Martes.
Sinabi ni Albay provincial Governor Joey Salceda na nagulantang ang mga mountaineer, na pawang mga Pilipino at dayuhan, nang magbuga ng abo, malalaking volcanic rocks at tubig ang bulkang kilala dahil sa halos perpektong hugis apa nito.
Higit sa isang dosenang trekker din ang na-trap malapit sa bunganga ng bulkan sa unang pagbuga nito ng abo mula noong 2010.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Mayon trail leader Kenneth Jesalva na nadaganan ng malalaking tipak ng bato ang limang nasawing mountaineer.
Dagdag ni Jesalva na kabilang siya sa grupong nagpagabi sa bulkan nang mag-alburoto ito at maglabas ng batong sing laki ng isang kuwarto. Aniya, kaagad siyang tumungo ng base camp upang humingi ng tulong.
Bandang 8 ng umaga nagbuga ng abo ang bulkan na inilarawan ng mga awtoridad bilang isang "phreatic" eruption.
Pumutok ang balita sa iba't ibang news organizations na apat ang nasawi bandang 9 ng umaga ngunit napagalamanan na umabot ito sa lima, habang pito pa ang sugatan.
Ilang Pinoy at dayuhan ang kabilang sa mga nasaktan, ang ilan pa ay nasa kritikal na kondisyon ayon sa pinuno ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na si Eduardo del Rosario.
Sinabi naman ng pinuno ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology Renato Solidum Jr., na walang nakataad na alerto para sa Mayon nang umakyat ang mga mountaineer.
Dagdag ni Solidum na ang nangyaring pagbuga ng abo ay normal na aktibidad ng mga aktibong bulkan, kabilang ang Mayon na 40 beses nang pumutol sa nakalipas na 400 taon.
- Latest
- Trending