MANILA, Philippines - Inilagay na sa full alert status ang lahat ng yunit ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa bilang paghahanda sa halalan sa susunod na linggo.
Ayon sa pamunuan ng PNP, mananatiling nakataas ang full alert status hanggang makumpleto ang lahat ng election security preparations.
Sa direktiba ng pamunuan ng PNP, binibigyan nito ng kapangyarihan ang mga regional directors na magdesisyo kung kailangang panatilihin ang full alert status sa kanilang mga sakop na lugar.
Kanselado ang mga leaves of absence ng lahat ng pulis sa ilalim ng full alert status at lahat sila ay kailangang magreport sa kanilang duty stations.
Samantala, iniutos ni PNP chief Director General Alan Purisima ang karagdagang 30,000 puwersa upang mapaigting pa ang seguridad sa mga lugar na itinuturing na delikado tuwing halalan.
Ang karagdagang puwersa ay kinabibilangan ng mga pulis na naka-detalye sa administrative offices ng national, regional at provincial police offices at mga nag-aaral o sumasailalim sa mga karagdagang pagsasasanay.
Kasabay nito, binuksan na ng PNP ang Media Operations Center (MOC) ng national task force na SAFE (Secure and Fair Elections) 2013.
Ang MOC, na matatagpuan sa ikalawang palapag ng PNP Multi-Purpose Hall sa Camp Crame, Quezon City, ay 24-oras na bukas.
Maaaring makakuha ng mga live update mula sa mga regional at provincial offices sa MOC.