MANILA, Philippines - Kinatigan ng Korte Suprema nitong Lunes ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapawalang bisa sa pagkapanalo ni Palawan Vice Gov. Clara Espiritu-Reyes noong nakaraang halalan.
Dahil sa naturang desisyon, tinatanggal na si Reyes sa kanyang puwesto. Si Reyes ay asawa ni dating Palawan Gov. Joel Reyes, suspek sa pagpaslang kay environmentalist at dating mamamahayag na si Gerry Ortega.
Nauna nang diniskwalipika ng Comelec si Reyes dahil bigo umano siyang patunayan na permanente siyang residente ng Barangay Tigman, Aborlan sa Palawan.
Ilang beses na iniapela ni Reyes ang desisyon, ngunit hindi binago ng 2nd Division ng Comelec ang nauna nitong desisyon hanggang sa mapunta na sa Korte Suprema ang kaso.