Bomba inihagis sa bahay ng alkalde sa Basilan; 4 sugatan

MANILA, Philippines - Apat katao ang sugatan nang hagisan ng bomba ang bahay ni Mayor Roderick Furigay ng Lamitan City, Basilan nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, bandang 10 ng gabi inihagis ng mga armadong lalaki ang mga Molotov-type bombs sa bahay ni Furigay sa Flores Street, Barangay Maganda.

Nakikipagpulong si Furigay sa may 200 election coordinators nang inihagis ang mga bomba.

Sinabi ni Furigay na malamang na sumabit sa mga kawad ng kuryente ang mga inihagis na bomba kaya hindi ang mga ito bumagsak sa kanyang mismong bahay.

Naniniwala si Furigay na mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang mga naghagis ng bomba dahil sa pagtanggi niyang magbigay ng pera sa mga ito.

Pinaigting na ng pulisya ang seguridad na ipinapatupad sa buong siyudad ng Lamitan dahil sa pangyayari.

Show comments