MANILA, Philippines - Itinumba nitong Lunes ng umaga ng hindi pa kilalang mga armadong lalaki ang asawa ng isang re-electionist na alkalde sa Iloilo.
Idineklarang patay si Jun Apura, asawa ni re-electionist Lemery Mayor Ligaya Apura, sa Sara District Hospital kung saan siya isinugod matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Barangay Anabo bandang 8 ng umaga.
Minamaneho ni Apura ang kanyang sasakyan nang tambangan sa naturang lugar.
May hinala ang mga pulis na misming ang alkalde ang pakay na paslangin ng mga salarin at inakala nilang kasakay ni Apura ang kanyang asawa sa sasakyan.
Ayon sa mga empleyado ng munisipyo ng Lemery, magkakasunod na putok ng baril ang narinig habang dumadalo sila sa flag-raising ceremony. Nang rumesponde ang mga pulis, nadiskubre nilang ang asawa ng alkalde ang biktima.
Isang suspek na umano's armado ng isang M-14 rifle ang ang naaresto ng mga awtoridad.
Patuloy ang pagtugis sa iba pang mga salarin habang inaalam ng mga imbestigador kung ano ang motibo sa pamamaslang.
Si Ligaya ay tumatakbo sa tiket ng United Nationalist Alliance.