MANILA, Philippines - Apat ang sugatan, kabilang ang isang pulis, matapos sumalpok ang isang sports utility vehicle sa poste ng Metro Rail Transit sa lungsod ng Quezon.
Ayon sa mga saksi, humaharurot ang sinasakyang Toyota Fortuner ng mga biktima sa south bound lane ng EDSA nang tumama ang kaliwang gulong nito sa gutter dahilan kaya ito bumangga sa poste ng MRT at tumaob malapit sa Trinoma mall.
Kaagad naman isinugod sa East Avenue Medical Center nang isang taxi driver ang mga biktimang sina Police Officer 2 Alexander Lim at Nemecio Espineli, habang check up lang ang ginawa kina Jose Biwag at Conrado delos Santos sa Quezon City General Hospital.
Walang plaka ang naaksidenteng sasakyan ngunit sa pagsisiyasat ng Metropolitan Manila Development Authority ay napagalamanan na nakapangalan ito sa isang Isabel Suntay.