MANILA, Philippines – Bumanat na rin si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes ngayong Huwebes sa mga kritiko ng komisyon at sinabing parang sinasadya ang sunud-sunod na batikos habang papalapit ang araw ng botohan.
Sinabi ni Brillantes na kung may duda ang mga kritiko ng Comelec sa ginagawa nilang paghahanda, dapat ay idinulog na ito bago pa pumasok ang panahon ng halalan.
"The critics have been surfacing now [when the election day] is near... It seems that there is an orchestrated [effort] to cast doubt into this election," pahayag ni Brillantes.
Ilan sa mga isyung ibinabato sa Comelec kanila ay ang hindi pagre-review ng source code na gagamitin sa precinct count optical scan (PCOS) machines at ang kawalan ng digital signature at indelible ink.
"I would like to reiterate that they (critics) said the same things a week before the 2010 elections and since then, they have not stopped and they are still saying these. Nothing new," sabi ni Brillantes.
"We have been working hard. We have been explaining that there may be a few mistakes. I am not saying the machine is perfect, but what they (critics) are thinking will not happen," paliwanag ng pinuno ng poll body.
Aniya, sa mga ibinabato sa kanilang batikos at paninira ay parang nagdarasal ang mga kritiko nila na magiging palpak ang eleksyon.
"Were there errors seen in the 2010 [election] results? Nothing, just doubts," sabi ni Brillantes.
Isa sa mga sinasabi ni Brillantes na kritiko ng Comelec ay si dating Comelec Commissioner Augusto Lagman na kinwestiyon ang pinuno ng poll body tungkol sa isyu ng source code.
Iminungkahi ni Lagman sa Comelec na magsagawa ng Random Manual Audit (RMA) sa tatlo hanggang limang presinto sa bawat bayan o 5,000 hanggang 8,000 presinto.
Bagaman hindi ito ang hinihingi ng batas, ito aniya ang magandang paraan upang maging mas buo ang kredebilidad ng eleksyon.
Sa ilalim ng Republic Act 9369, dapat ay magsagawa ng RMA sa isa lamang na presinto sa bawat congressional district at hindi sa bawat bayan.
Nauna nang sinabi ni Brillantes na sapat na ang RMA upang malaman ang kawastuan ng PCOS machines.
"I am worried about Chairman Brillantes' statement that the RMA will only be done in one precinct per congressional district. That is really what the law only stipulates but it's inadequate," pahayag ni Lagman.
Dagdag ni Lagman na noong eleksyon 2010 ay nagsagawa ng RMA sa limang presinto sa bawat congressional district.
Aniya kung walang gagawing review sa mga source code sa mga PCOS machines ay kakaunti lamang ang magagawang RMA at dahil dito ay magiging mababa ang kredebilidad ng eleksyon.