Lasing na seaman hinuli dahil sa bomb joke

MANILA, Philippines – Arestado ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos magbirong may baon siyang bomba habang sakay ng isang eroplano patungong Maynila nitong Miyerkules.

Ayon kay Police Officer 1 Herminio Rabor, nakatalaga sa Zamboanga International Airport (ZIA), ang naaresto si Kim Castillo ay isang seaman/electrician na tubong-Zamboanga Sibugay.

Kasama ni Castillo ang asawa't anak nang sumakay sa PAL Express patungong Maynila.

Ayon kay Rabor, ilang minuto pa lamang nakakalipad ang eroplano ay narinig ng isang flight attendant si Castillo na bumulong sa asawa na may bomba sa loob ng kanyang bag.

Kaagad na isinumbong ng flight attendant si Castillo sa pilito na agad nagdesisyon bumalik sa ZIA para mag-emergency landing.

Paglapag na paglapag ng eroplano sa ZIA ay inaresto si Castillo ng mga pulis at ikinulong sa Sta. Maria Police Station habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.

Nabatid na lasing si Castillo nang sumakay sa eroplano. Nagpa-despedida ang OFW sa kanyang mga kaibigan dahil pabalik na siya sa Middle East para magtrabaho.

Sinabi naman ni Chief Inspector Larry Domingo, hepe ng Police Station 7, na palalayain nila si Castillo kung hindi magsasampa ng reklamo ang airline sa loob ng reglementary detention period.

Show comments