MANILA, Philippines – Pinaigting na ng pulisya at militar ang seguridad sa bayan ng Kabacan sa North Cotabato kasunod ng pambobomba sa bahay ng isang konsehal noong Huwebes ng gabi.
Wala namang nasugatan sa pamilya ni Kabacan councilor George Manuel at hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga pulisya ang insidente.
Base sa mga salaysay ng mga testigo, isa sa dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo ang tumigil sa harap ng bahay ni Manuel at naghagis ng granada.
Nagpadala na ng intelligence agents ang 602nd Brigade ng Philippine Army upang tulungan ang mga pulis na makilala ang mga naghagis ng granada.
Nangyari ang insidente pagkatapos naman pasabugan ang bahay ng kapitan ng barangay sa Guindulungan, Maguindanao bandang 6 ng umaga ng Huwebes.
Nasawi si Salindatu Rajahmuda, kapitan ng Barangay Macasampen, nang sumabog ang improvised explosive device na itinanim ng hindi pa nakikilang mga suspek.