MANILA, Philippines - Patay ang anak ng isang mayor sa Lanao del Norte kabilang ang 11 pang katao sa isang pananambang sa Iligan City nitong Huwebes ng hapon.
Ayon kay Senior Superintendent Gerardo Rosales, direktor ng Lanao del Norte Police Provincial Office, tinambangan ng isang grupo ng mga armadong lalaki ang convoy ni Nunungan town Mayor Abdulmalik Manamparan sa Barangay Malaig pasado alas-5 ng hapon.
Kinilala ni Rosales ang namatay na anak ni Manamparan na si Adnani, 30.
Sinabi ni Rosales na 10 katao, kabilang si Mayor Manamparan, ang nasugatan sa pananambang. Ginagamot na sa isang ospital sa Iligan City ang mga sugatan.
Ayon sa opisyal, "rido" o clan war ang nakikitang dahilan ng mga imbestigador sa pananambang na naganap sa kainitan ng kampanyahan para sa lokal na halalan sa Mayo 13.
Aniya, mismong ang mga biktima ang nagsabing ang kaaway na pamilya ng mga Manamparan ang nasa likod ng pananambang.
Tumatakbo ngayon si Manamparan sa pagka-bise alkalde ng bayan ng Nunungan.
Ayon kay Col. Rodrigo Gregorio, tgapagsalita ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines, ang mga salarin ay pinangunahan ni Kadie Hamin na miyembro ng angkan na mahigpit na kaaway ng mga Manamparan.
Sinabi ni Gregorio na nagdagdag na ng mga sundalo sa Iligan City, partikular sa mga lugar ng mga tirahan ng magkabilang angkan, upang tulungan ang pulisyal na pigilan ang paglala ng sitwasyon.