MANILA, Philippines – Tatlo sa apat na Pilipino ang sumusuporta sa pagkakaroon ng polisiya upang makontrol ang pagmamay-ari ng baril sa bansa, ayon sa isang pag-aaral ng Pulse Asia.
Ayon sa survey, na may 1,800 na respondents at may edad 18 pataas, 75 porsiyento ang sumuporta sa pagkakaroon ng naturang polisiya habang pitong porsiyento lamang ang kontra at 18 porsiyento ang hindi makapagpasiya.
May pinakamataas na suporta para sa gun control sa Metro Manila kung saan 87 porsiyento ng mga respondent ang pumabor kumpara sa Visayas at Mindanao na may 70 at 66 porsiyento.
Ayon pa sa survey, karamihan ng mga Pilipino (78 porsiyento) ay pabor na tanging mga alagad ng batas lamang at mga lisensyadong private security guards ang maaaring magdala ng armas sa mga pampublikong lugar.
Naniniwala din ang 67 porsiyento ng mga respondents isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang karahasan sa bansa ay dahil sa mga baril.
Mayroong margin of error na ±2 porsiyento ang pag-aaral na isinagawa noong Marso 16 hanggang Marso 20 na may 95 porsiyentong confidence level.
Ipinapatupad pa rin ng Philippine National Police ang election gun ban at umabot na sa 2,667 katao ang nahuhuling lumalabag dito kabilang ang ilang pulis at sundalo.