MANILA, Philippines – Apat na bata na ang nasasawi sa bayan ng Rajah Buayan sa Maguindanao dahil sa dehydration, habang 30 katao pa ang naospital dahil sa sakit na disenterya, ayon sa health officials ngayong Martes.
Inanunsyo ng health department ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nagkaroon na ng outbreak ng disenterya sa mga bayan ng Raha Buayan, Mileb, Sapakan, Bakat at Pedsandwan.
Naitala ang unang kaso ng disenterya sa Rajah Buayan nitong nakalipas na linggo, ayon sa mga opisyal ng barangay.
Sinabi ni Wahida Kanacan, ina ng isa sa mga nasawing bata na dumaing ang kanyang babaeng anak ng matinding sakit tiyan bago ito nagkaranas ng pagtatae.
Agad na isinugod sa ospital ang bata noong Linggo, ngunit namatay din siya nitong Lunes.
Sinabi ng mga local health workers na karamihan sa mga residente sa Raja Buayan ay kumukuha ng inumin tubig sa balon na maaaring dahilan ng pagkalat ng naturang sakit.
Inaalam na rin ng mga epidemiologists ng ARMM kung tinamaan na rin ng cholera ang mga pasyente mula sa Rajah Buayan.
Isang matandang babae at tatlong-taong-gulang na bata ang nasawi dahil sa cholera, habang 40 katao pa ang naospital ngayong Abril sa isla ng Bongo sa bayan ng Parang sa unang distrito ng Maguindanao.