MANILA, Philippines - Naaresto nitong Sabado na ng mga awtoridad ang hinihinalang hitman ng Ususan drug syndicate na may operasyon sa lungsod ng Taguig.
Pinangalanan ni Senior Superintendent Arthur Asis, hepe ng Taguig City Police, ang suspek na si Lenrev Ginez, 21, ng 11 Kalayaan St., Barangay Ususan.
Naaresto si Ginez bandang 1 ng madaling araw sa kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Carlito Calpatura ng Makati Regional Trial Court Branch 145, dagdag ni Asis.
Nakumpiska mula may Ginez ang isang kalibre .45 pistol na kargado ng walong bala, isang fragmentation grenade at dalawang pakete ng shabu.
Sinabi pa ni Asis na kabilang sa listahan ng top drug personalities si Ginez o alyas Revo.
Nahaharap pa sa kasong illegal possession of firearms and ammunition, paglabag sa election gun ban at illegal drug possession si Ginez.
Noong Pebrero 15 ay nadakip ng Taguig Police sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency ang 14 na kataong hinihinalang miyembro nh Ususan drug syndicate kabilang ang isang dating pulis sa isinagawang raid sa Barangay Ususan.