MANILA, Philippines – Dalawang magkahiwalay na pagsabog ang yumanig sa Lamitan City, Basilan nitong Huwebes ng gabi.
Bandang 9:04 ng gabi naganap ang unang pagsabog sa harap ng bahay ni Lamitan Vice Mayor Arleigh Eisma sa Aguinaldo Street, Barangay Maganda.
Anim na minuto lamang ang lumipas ay isa pang bomba ang sumabog sa main gate ng San Isidro Chapel sa Barangay Colonia.
Ayon kay Col. Rodrigo Gregorio, tagapagsalita ng Armed Forces' Western Mindanao Command (Westmincom), wala naiulat na nasaktan mula sa dalawang pagsabog.
Ayon kay Chief Inspector Almer Ismael, Lamitan City police commander, natamaan ng pagsabog ang pulang pick-up truck ni Eisma habang bahagyang nasira ang gate ng kapilya.
Dagdag ni Ismael na walang nakakita kung sino ang nagtanim ng mga bomba dahil walang kuryente sa siyudad nang maganap ang mga pagsabog.
“So hindi tayo nakakuha ng identity dahil blackout noong nangyari ang pagsabog,†ani Ismael.
Hinala ni Gregorio na ang Abu Sayyaf Group ang nasa likod ng dalawang pagpapasabog.
Aniya, baka gumaganti ang mga rebelde sa ginawang pag-atake ng military nitong Lunes sa kampo ng mga bandido sa bayan ng Tipo-tipo kung saan anim na militante ang nasawi.