MANILA, Philippines – Nadale ng heat stroke at namatay ang isang empleyado ng Marikina City hall sa ginagawang flag-raising ceremony nitong Lunes ng umaga.
Hinimatay muna si Aries Pasco, tauhan ng Marikina Settlement Office, bandang 9:30 ng umaga kaya naman isinugod siya sa Amang Rodriguez Medical Center.
Ayon kay Michael Zurbano ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Council, nagkamalay pa si Pasco nang makarating sa ospital na ilang metro lamang ang layo sa city hall.
Sinabi ni Zurbano na may sakit sa puso ang biktima na nasa edad 50 na.
"Medyo mahaba kasi yung ceremonies nung araw na yun kasi opening ng Angkan-angkan festival," banggit ni Zurbano na sinabing mainit ang hangin kahit maulap noong araw na iyon.
Ilang empleyado nama ng city hall ang humiling kay Mayor Del de Guzman na i-schedule ng mas maaga ang flag-rasing upang maiwasan ang kagayang insidente.
Patuloy naman ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na ugaliing uminom ng tubig, magdala ng panangga sa init upang maiwasan ang heat stroke.